Ayon kay `Umar bin Al-Khaṭṭāb (malugod si Allāh sa kanya) na nagsabi: {Samantalang kami ay nakaupo sa tabi ng Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) isang araw, biglang may sumulpot sa amin na isang lalaking matindi ang kaputian ng mga kasuutan, na matindi ang kaitiman ng buhok, na hindi nakikita rito ang bakas ng paglalakbay, na walang nakakikilala rito na isa man sa amin, hanggang sa naupo ito paharap sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan), saka nagsandal ito ng mga tuhod nito sa mga tuhod niya, at naglagay ito ng mga kamay nito sa ibabaw ng mga hita nito. Nagsabi ito: "O Muḥammad, magpabatid ka sa akin tungkol sa Islām." Kaya nagsabi ang Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan): "Ang Islām ay na sumaksi ka na walang Diyos kundi si Allāh at na si Muḥammad ay Sugo ni Allāh, magpanatili ka ng ṣalāh, magbigay ka ng zakāh, mag-ayuno ka sa Ramaḍān, at magsagawa ka ng ḥajj sa Bahay [ni Allāh] kung nakaya mo [na magkaroon] papunta roon ng isang daan." Nagsabi ito: "Nagsabi ka ng totoo." Kaya nagulat kami rito; nagtatanong ito sa kanya at nagpapatotoo ito sa kanya. Nagsabi ito: "Saka magpabatid ka sa akin tungkol sa Īmān." Nagsabi siya: "Na sumampalataya ka kay Allāh, sa mga anghel Niya, sa mga kasulatan Niya, sa mga sugo Niya, sa Huling Araw, at sa pagtatakda: sa mabuti nito at masama nito." Nagsabi ito: "Saka magpabatid ka sa akin tungkol sa Iḥsān." Nagsabi siya: "Na sumamba ka kay Allāh na para bang ikaw ay nakakikita sa Kanya ngunit kung hindi ka man nakakikita sa Kanya, tunay na Siya ay nakakikita sa iyo." Nagsabi ito: "Saka magpabatid ka sa akin tungkol sa Huling Sandali?" Nagsabi siya: "Ang tinatanong tungkol dito ay hindi higit na maalam kaysa sa nagtatanong." Nagsabi ito: "Saka magpabatid ka sa akin tungkol sa mga palatandaan nito." Nagsabi siya: "Na manganak ang babaing alipin ng amo niya, at na makakita ka sa mga nakayapak, na mga nakahubad, na mga naghihikahos, na mga pastol ng mga tupa, na nagpapataasan sa [pagpapatayo ng] gusali." Nagsabi [si `Umar]: "Pagkatapos lumisan ito at nanatili naman kami nang saglit." Nagsabi [ang Sugo]: "O `Umar, nakaaalam ka ba kung sino ang nagtatanong?" Nagsabi ako: "Si Allāh at ang Sugo Niya ay higit na maalam." Nagsabi siya: "Tunay na siya ay si Gabriel; pumunta siya sa inyo na nagtuturo sa inyo ng relihiyon ninyo."}