Ang pagpapaliwanag
Nagpapabatid si `Umar bin Al-Khaṭṭāb (malugod si Allāh sa kanya) na si Anghel Gabriel (sumakanya ang pangangalaga) ay pumunta sa mga Kasamahan (malugod si Allāh sa kanila) sa isang anyo ng isang lalaking hindi nakikilala. Kabilang sa mga pagkakalarawan sa kanya na ang mga kasuutan niya ay matindi ang kaputian at ang buhok niya ay matindi ang kaitiman, na hindi nakikita sa kanya ang bakas ng paglalakbay na pagkalitaw ng pagod at alikabok, pagkagulu-gulo ng buhok, at pagkarumi ng mga kasuutan. Walang nakakikilala sa kanya na isa man sa mga naroroon habang sila ay mga nakaupo sa piling ng Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan). Naupo siya sa harapan ng Propeta (basbasan ito ni Allāh at pangalagaan) nang pag-upo ng mag-aaral, saka nagtanong siya rito tungkol sa Islām. Sumagot naman ito sa kanya hinggil sa mga haliging ito, na naglalaman ng pagkilala sa pamamagitan ng Dalawang Pagsaksi, pangangalaga sa pagsasagawa ng limang dasal, pagbibigay ng zakāh sa mga karapat-dapat dito, pag-aayuno sa buwan ng Ramaḍān, at pagganap ng tungkulin na ḥajj para sa nakakakaya.
Nagsabi naman ang tagapagtanong: "Nagsabi ka ng totoo." Kaya nagtaka ang mga Kasamahan sa tanong niya, na nagpapahiwatig ng tila bang kawalan ng pagkakaalam niya pagkatapos pagpapatotoo niya.
Pagkatapos nagtanong ang Anghel sa kanya tungkol sa Īmān, kaya sumagot siya hinggil sa anim na haliging ito na naglalaman ng sumusunod: 1. ang pananampalataya sa kairalan ni Allāh at mga katangian Niya at pagbubukod-tangi sa Kanya sa mga gawain Niya gaya ng paglikha at pagbubukod-tangi sa Kanya sa pagsamba; 2. ang pananampalataya na ang mga anghel na nilikha ni Allāh mula sa isang liwanag ay mga lingkod na pinararangalan, na hindi sumusuway kay Allāh at ayon sa utos Niya ay gumagawa sila; 3. ang pananampalataya sa mga kasulatan na pinababa sa mga sugo mula sa ganang kay Allāh, gaya ng Qur'ān, Torah, Ebanghelyo, at iba pa sa mga ito; 4. ang pananampalataya sa mga sugong tagapagpaabot buhat kay Allāh ng Relihiyon Niya, na kabilang sa kanila sina Noe, Abraham, Moises, Jesus, Muḥammad na kahuli-hulihan sa kanila, at ang iba pa sa kanila kabilang sa mga propeta at mga sugo; 5. ang pananampalataya sa Huling Araw, na napaloloob dito ang anumang matapos ng kamatayan gaya ng mangyayari sa libingan, buhay sa Barzakh, pagbuhay sa tao matapos ng kamatayan at pagtutuos sa kanya, at kahahantungan ng tao na maaaring Paraiso o Impiyerno; at 6. ang pananampalataya na si Allāh ay nagtakda ng mga bagay alinsunod sa nauna hinggil dito ang kaalaman Niya, ang kahilingan ng karunungan Niya, ang pagkakasulat Niya niyon, ang kalooban Niya roon, at ang pagkaganap nito alinsunod sa itinakda Niya rito at nilikha Niya para rito. Pagkatapos nagtanong ang Anghel sa Propeta tungkol sa Iḥsān kaya nagpabatid ito sa kanya na ang Iḥsān ay na sumamba siya kay Allāh na para bang siya ay nakakikita sa Kanya ngunit kung hindi naisasakatotohanan sa kanya ang pagkaabot sa katayuang ito, sambahin niya si Allāh na para bang si Allāh ay nanunuod sa kanya; kaya ang una ay ang katayuan ng pagkakita, na siyang pinakamataas, at ang ikalawa ay ang antas ng pagsasaalang-alang.
Pagkatapos nagtanong ang Anghel sa Propeta kung kailan ang Huling Sandali. Kaya naglinaw ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) na ang kaalaman sa Huling Sandali ay kabilang sa nagsolo si Allāh sa kaalaman dito, kaya naman hindi nakaaalam dito ang isa man kabilang sa nilikha: hindi ang tinatanong tungkol dito at hindi ang tagapagtanong.
Pagkatapos nagtanong ang Anghel sa Propeta tungkol sa mga tanda ng Huling Sandali kaya naglinaw ito na kabilang sa mga tanda niyon ang pagdami ng mga aliping babae at mga anak nila o ang pagdami ng kasuwailan ng mga anak sa mga ina nila, na nagtatrato sa kanila gaya ng pagtrato sa mga babaing alipin; at na ang mga pastol ng tupa at ang mga maralita ay paririwasain sa Mundo sa wakas ng panahon kaya magpapayabangan sila sa pagpapalamuti ng mga gusali at pagpapatayo ng mga ito.
Pagkatapos nagpabatid ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) na ang tagapagtanong ay si Anghel Gabriel, na dumating para magturo sa mga Kasamahan ng Makatotoong Relihiyong ito.